Pilipinong BayaniJasper Emmanuel Y. Arcalas
The Journalese Ukit sa kasaysayan, ang Pilipinong kabayanihan. Guhit sa kaisipan - "Paano ngayong kapanahunan?" May mga bayani pa bang umaahon sa kabayanan? Mga ngiti na matabang; nilamon ng pagkamakabayan. Pagbibigay-pugay sa mga tinuturing kong mandrigima. Nagbibigay-buhay sa mga ngiting lulong sa pagkawala. Dapat ba'y nakalatay upang masabi mong isang dakila? Patunay na ang kulay, hindi napipili sa libong mga tinta. Sa mga kamay na hawak ay lapis at papel - hindi itak. Nagsasalba ng buhay, sa lawak ng labis na pagkasadlak - sa butata na hukay na hahatak ng mabilis sa pagkawasak - ng sariwa ng talambuhay - tatak ng matinis ang latak. Mga haligi na nilisan ang mahal, upang kumita ng ginto. Binti na pinalansag ng dasal - tapang magsara ng pinto. Ngiti na walang kasing kapal - para lang magbanat ng buto. Pagbating kabayarang kaytagal - yakap ng pamilya ang gusto. Tangan tangan ay walis, kesa ang bagong silang na anak. Sa lansangan naglilinis, kesa ang tinutulugan nilang lapag. Kayamanang tinitiis - kailangan upang magkalaman ang hapag. Kahit ilang paghihinagpis - masusuklian ng Amang may habag. Mga kamay na hawak ay pumuputok; pamatay-hininga. Nakasalalay ang pagkawasak ng pagkakalugmok ng bansa - Mula sa latay ng mga ugat na kumukulubot sa hustisya; Buhay ma'y nakasalalay sa bawat pagtutok at pagkasa. Sa mundong kinasasakluban, mayroon na bang batayan? Upang matunton ang mamamayang buhay-laan sa bayan. Mga Pilipinong hahangaan - kabutihan ang siyang kadahilanan; at hindi ulupong mayaman - masabihan lamang na makabayan. J |